Akala ko ako ang nagtuturo sa kanya — pero si Chip-chip pala ang nagturo sa akin.
Tinuturuan ako ng isang tuta kung paano makinig.
Sa bawat uri ng tahol niya, alam ko na ang ibig sabihin:
Tahol ng gutom, tahol ng lambing, tahol ng sabik, tahol ng gising na 4am dahil gusto na niyang bumaba.
Hindi siya kailanman aakyat ng kwarto — hihintayin niya ako sa pintuan, tapat, matiisin, at palaging naroon.
Naalala ko pa, kumakain ako noon, tapos may marahang kagat sa paa — paalala na gusto rin niyang makisalo.
Habang nanonood ako ng Netflix, tatahimik siyang tatabi sa akin, tila ba naiintindihan ang kwento.
At pag nasa malayo ako, nagpapatawag siya ng video call.
Gustong-gusto niyang marinig ang boses namin.
Sapat na sa kanya iyon — ang maramdaman niyang nariyan kami.
Kapag nagyaya siyang maglaro, siguradong masusugatan ka sa tuwa.
Ang bilis niyang sumagpang, hindi para manakit, kundi para magpakulit.
At kapag tinawag mo siya — “Chipichip-chip!”
Tatakbo siya, magpapakarga, pipikit ang mata,
At tila magsusumbong — dahil na-miss ka niya.
Isang linggo lang ang nakaraan, pinatrim pa namin ang fur niya.
Ang tikas, ang ayos, ang mga mata —
Para bang may sinasabi, may pinaparamdam.
Isang matang kay hirap kalimutan.
Pero dumating ang araw na wala kami. 

Tatlong araw sa Pangasinan.
At si Chip-chip… naghihintay. Kumakatok sa pinto araw-araw, akala niya nariyan kami.
Pag-uwi namin, hindi na siya ganoon kasigla.
Sumusuka. Mahina. Takot.
Dinala agad sa vet.
"Parvo," sabi.
“Imo-monitor hanggang Huwebes,” dagdag pa.
Pero ngayong araw, sa halip na paboritong boiled chicken at puppy treats,
ang dinala namin dahil sa ito’y paboroto nya, ito’y natumbasan ng luha dahil sa masamang balita, wala na si Chip-chip.
Hindi kinaya ng katawan niyang maliit, pero napuno ng pagmamahal.
Nag-collapse ang baga. Tumigil ang tahol. Tumigil ang mundo.
Noong unang linggo ng Marso, si Pichi — dahil sa katandaan.
Ngayon, sa huling linggo ng Marso, si Chip-chip.
Dalawang puso, dalawang alaga, dalawang pamilyang di matutumbasan.
Ang bigat sa dibdib,
Ang tahimik ng gabi.
Pero sa puso namin,
Si Chip-chip ay hindi pa rin tumitigil sa pagtahol —
Nagsasabi: “Salamat. Mahal ko kayo.”
No comments:
Post a Comment