Wednesday, March 05, 2025

Run Free, Pichi! We love you!



Hindi ko na napigilan ang aking mga luha nang makasama namin si Pichi sa kanyang huling tatlumpung segundo. Oo, tatlumpung segundo ng pag-aagaw-hininga, at sa isang iglap, nagtapos na ang lahat. Iniwan na kami ni Pichi.

Mabilis bumalik ang mga alaala—mga sandaling puno ng saya, lambing, at di-mabilang na pagmamahal.
Lagi siyang sumisiksik sa gitna namin ni Sophia bago matulog, parang may sariling puwang sa aming puso. At paggising namin, nandoon siya sa ulunan namin, nagbabantay. Isang prinsesang may dignidad kapag umupo, ngunit may sariling mundo kapag naglalakad—parang isnabera, ngunit sa totoo’y isang mapagmahal na kasama.
Ayaw niya ng ibang aso, pero mahal niya kami ng buo. Mahilig siyang tumakas, tila hinahanap ang mga bagong tanawin at hangin na kayang yakapin ng kanyang malayang diwa. Tuwing bumibiyahe, palaging nakalabas ang ulo sa bintana ng sasakyan, tinatamasa ang hangin, buhay na buhay sa bawat paglalakbay.
Hindi siya nakikipag-agawan sa pagkain. Lagi lang siyang nakaabang sa hagdan, tahimik na naghihintay sa aming pag-uwi. At hindi siya matutulog hangga’t hindi kami nakauwi—isang tapat at walang kapantay na kasama.
Naalala ko kung paano niya pinapagalitan si Chip-chip kapag ito’y maingay. Gusto niya ng katahimikan, upang makapagpahinga kaming lahat ng maayos. Siya ang anino ni Quin Mara, laging nakasunod, laging nasa tabi niya, anuman ang mangyari.
Pichi, maraming salamat sa saya, sa pag-ibig, sa mga alaalang iniwan mo sa amin. Mabigat mang isipin, lagi kang nasa puso namin. Ingat ka sa iyong paglalakbay. Mahal na mahal ka namin.
We love you, Chi!

PS: Ito ang huling kuha ko kay Pichi noong umuwi kami galing Pampanga. Pinilit niyang bumangon mula sa kanyang pagkakahiga kahit nahihirapan siya, dahil nakita na naman niya kami.



No comments: