Wednesday, November 27, 2024

Tahanan ng mga aral

Ang pagbisita sa Buscalan ay nagbigay sa amin ng pagkakataong matutunan ang mga simpleng aral na may malalim na kahulugan para sa buhay. Habang naglalakad kami sa matarik at makikitid na daan at nalalanghap ang sariwang hangin ng kabundukan, unti-unti naming napagtanto ang halaga ng mga payak na bagay. Ang pagbabasa ng kanilang kasaysayan at pakikinig sa kanilang mga kuwento ay nagpaalala na, "Kung nais mong husayan ang pagsusulat, magbasa nang higit." Ang mga kwento at mga tatoo sa kanilang mga balat ay tila salamin ng kanilang pagkatao at kultura, na nagtutulak sa amin na isulat ang aming sariling mga kwento. Sa katahimikan ng kabundukan, natutunan naming ang pahinga ay mahalaga—na, "Kung nais mong magtaglay ng sigla, magpahinga nang sapat."

Ang kanilang pagtuturo ng tradisyunal na sining ng “mambabatok” ay nagpakita na ang kaalaman ay hindi lamang natatamo kundi naibabahagi rin, na sumasalamin sa "Kung nais mong maunawaan nang lubos, magturo." Sa kanilang simpleng pamumuhay, ramdam ang diwa ng pagbibigayan. Natutunan naming, "Kung nais mong palawakin ang koneksyon, magbigay nang taos-puso." Sa bawat ngiti, simpleng kape, at kwentuhang puno ng aral, nadama namin ang kahalagahan ng pagpapasalamat sa mga maliliit na bagay—dahil, "Kung nais mong sumaya, matutong magpasalamat."

Ang Buscalan ay hindi lamang lugar ng tradisyon, kundi tahanan ng mga aral na naglalapit sa atin sa kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay: ang ugnayan sa kapwa, ang pagpapahalaga sa sariling lakas, at ang pagyakap sa mga simpleng bagay na may malalim na kahulugan. Sa pag-uwi, baon namin ang diwa ng Buscalan—mga aral na magsisilbing gabay sa araw-araw.
Malay natin, sa lalong madaling panahon at bumalik kami, sa pagkakataong ito dadagdagan natin ng kaunting “outreach program” tulad ng nakasanayan. 

No comments: