Sa mundong punô ng hamon at mga suliranin, laging may dalawang klase ng tao na makikita sa bawat sitwasyon. Ang una ay ang mga handang sumulong, buuin ang nasira, at humanap ng solusyon. Sila ang tinatawag na mga solusyonaryo — mga taong hindi natatakot humarap sa problema. Nakikita nila ang mga hamon bilang pagkakataon upang umunlad at magbago. Bagamat hindi sila perpekto, inuuna nila ang pagkilos kaysa sa reklamo. Ang ganitong uri ng tao ay mahalaga sa isang organisasyon o komunidad dahil sila ang nagbibigay-liwanag kahit sa pinakamasalimuot na sitwasyon. Ang kanilang pananaw ay palaging nakatuon sa tanong na, "Paano tayo uusad?" imbes na, "Sino ang dapat sisihin?"
Sa kabilang banda, mayroong mga taong iwas nang iwas sa responsibilidad at mas madalas na sinisisi ang kultura o sistema sa mga pagkukulang, ngunit hindi nila napapansin na sila rin ang bahagi ng problema. Ang mga ganitong tao ay madalas nagpapabigat sa sitwasyon sa halip na tumulong. Sila ang tipo ng tao na nagsasabing wala silang natatanggap na kabayaran sa kanilang ginagawa, ngunit sa totoo’y sila ang kumukuha ng yaman ng organisasyon nang walang naibibigay na ambag. Bukod dito, kung minsan, kapag sila ay napuna o nakitaan ng pagkakamali, nagbabanta pa sila ng gulo o mas malaking problema, sa halip na ayusin ang kanilang pagkukulang.
Sa ganitong mga pagkakataon, mahalagang matutunan ang ilang mahahalagang aral. Una, tukuyin ang sariling papel sa anumang sitwasyon—ako ba’y nagiging bahagi ng solusyon, o nagpapalala ng problema? Ang pagiging responsable sa ating mga kilos ay unang hakbang tungo sa mas maayos na samahan. Ikalawa, kilalanin ang kaibahan ng kritisismo sa pagiging solusyonaryo. Ang reklamo nang walang konkretong layunin o aksyon ay walang maidudulot na mabuti. Panghuli, ang epekto ng ating mga pagkilos, gaano man kaliit, ay bahagi ng pagbubuo ng isang mas maayos na kultura. Kung ang bawat isa ay magtuturo lamang ng mali sa iba, walang mangyayaring pagbabago, ngunit kung magsisimula sa sariling disiplina at kontribusyon, maaaring mabuo ang isang komunidad na mas matatag.
Sa bawat sitwasyong puno ng hamon, tayo ba ay nagiging liwanag o anino? Ang buhay ay laging may mga taong mahilig magreklamo, magturo, at magpabigat, ngunit mahalagang piliin natin ang maging bahagi ng solusyon. Ang pagbabago ay laging nagsisimula sa sarili, at sa bandang huli, mahalaga ang tanong: Sa gitna ng problema, paano mo gustong maalala—bilang taong sumuporta at nag-ayos, o bilang taong nagpalala ng gulo?
No comments:
Post a Comment