Wednesday, December 25, 2024

December 25 na, Kamusta ang Pasko nyo?

 December 25 na, Kamusta ang Pasko nyo?

Sa likod ng malamig na simoy ng hangin at patak ng ulan, sinisimulan ng bawat isa ang Pasko sa kani-kanyang paraan. May ilan na sa simbahan unang nagpunta, nagdasal at nagpasalamat sa mga biyayang natanggap. Ang ilan naman, basang sisiw sa gitna ng ulan, patuloy na hinaharap ang hamon ng buhay.
Sa kabila ng mga agwat ng estado at kalagayan, samut-saring eksena ang nagbibigay kulay sa Kapaskuhan. Sa ilang tahanan, masarap ang Noche Buena—punong-puno ng pagmamahal at tawa. Sa kalsada, may mga inabot na ng Pasko habang patuloy sa paghahanap ng mapagpapahingahan. Sa ibang sulok, naririnig ang tawanan mula sa mga sayawan at palaro, habang ang iba naman ay abala pa rin sa pagluluto.

Hindi mawawala ang mga paputok—tila naghahabulan ang tunog sa langit, sabay sa mga ngiti ng mga taong sabik sa bagong simula. Ngunit, sa bawat kasiyahan, may mga patuloy pa ring nagtatrabaho, bumabangon, at dumidiskarte para sa kanilang pamilya. Samu't-saring karanasan, ngunit lahat ay may tamang dahilan at pananaw.

Ngayong Pasko, paalala sa lahat: huwag pwersahin ang sarili. Hayaan ang puso’y magpahinga, magpasalamat, at muling magplano para sa mas magandang bukas. Ako mismo, pinili kong maging simple ang araw na ito. Nagdasal ako, nagpasalamat, nagpamasahe, nag-ihaw, at nagmano sa mga mahal sa buhay. Hindi man kami mayaman sa materyal na bagay (tama lang), ramdam ko ang kasaganaan ng biyaya mula sa ating Panginoon.Hindi nya kami pinapabayaan.

Kasama sa aking mga panalangin ang mga kasamahan ko sa opisina at sa mga proyekto ng pagtulong sa lipunan. Sana’y maging maayos ang kanilang bagong taon. Nais kong mas marami pang matulungan—mga kapwa nating nangangailangan. Nawa’y higit pang biyaya ang dumating, upang maipamahagi namin ang malasakit sa mas maraming tao.

Sa darating na kaarawan ko, ibang klaseng selebrasyon ang aking hinahanda. Magdadayo kami sa isang dumpsite sa Antipolo, upang magbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Ganito ko sisimulan at sasalubungin ang panibagong yugto ng aking buhay, nang bagong taon—sa pamamagitan ng pagkilos para sa kabutihan.

Samahan niyo ako. Sama-sama tayong magbigay ng pag-asa. Ngayong Pasko at sa bawat araw na darating, iparamdam natin ang tunay na diwa ng Kapaskuhan—pagmamahal, pag-asa, at pagkakaisa.





No comments: