Naalala ko ang Bandang Manomano at ang kanta nilang "Lason".
Ang "toxicity", "lason na ugali" o pagiging palaging negatibo ay tahimik ngunit malalim na nakaaapekto sa mental at emosyonal na kalusugan ng isang tao. Nagdudulot ito ng stress dahil laging nakatuon sa mga problema imbes na sa solusyon. Unti-unting hinuhubog nito ang isipan upang laging makita ang mali, na nagreresulta sa pagkapagod or perspective ito ng kawalan ng pag-asa.
Hindi rin natatapos dito. Ang mga relasyon ay lubos na naapektuhan. Ang mga tao ay natural na iiwas sa isang taong laging bumabatikos o nagrereklamo. Nagiging sanhi ito ng pagkakahiwalay at pagkawala ng tiwala. Sa usapang "trabaho" man or sa usaping "community works", nagiging limitado ang oportunidad at nasisira ang teamwork dahil ang negatibong ugali ay nagdudulot ng hindi pagkakaunawaan. Sa paglipas ng panahon, naapektuhan ang parehong propesyonal na pag-unlad at personal na koneksyon.
Kapag napaliligiran ng mga taong pareho ang negatibong pananaw, lalong lumalala ang epekto. Nagiging paulit-ulit ang siklo ng negatibidad, at naapektuhan ang samahan ng grupo. Sa halip na magkaroon ng suporta at pagkamalikhain, nagiging sanhi ito ng hindi pag-usad at pagkapagod ng lahat.
Kung iisipin, para itong siklo ng pag-angkin ng lahat ng bagay na may kulay ngunit nananatiling kulang. Parang sinasabi ng negatibidad:
"Kunin mo lahat ng bagay
Lahat ng bagay na may kulay
Angkinin mo man ang mundo
Ako ay hindi para sa 'yo
Tingin nila sa 'yo ay reyna
Lahat ng gusto mo'y makukuha
Angkinin mo man ang mundo
Hindi pa rin ako mapasayo."
Ang linyang ito sa kantang "Lason" ng Bandang Manomano ay naglalarawan ng pakiramdam ng kawalan ng kasapatan—kahit anong tagumpay o materyal na bagay ang makamit, hindi nito mapupunan ang emosyonal o mental na puwang na dulot ng negatibong pag-iisip.
Ang pagbabago ay nagsisimula sa pagiging mulat sa sarili. Pumili ng mga salita na nakaaangat ng damdamin at nagbibigay ng positibong enerhiya sa iba. Hanapin ang lakas at magpasalamat sa magagandang bagay sa paligid. Ang maliliit na positibong pagbabago sa pagsasalita at pag-iisip ay magdadala ng mas maayos na relasyon, mas maraming oportunidad, at mas maliwanag na pananaw sa buhay. Nagsisimula ang lahat sa isang hakbang patungo sa kabutihan at pang-unawa.
No comments:
Post a Comment