Sunday, January 05, 2025

Happy Three Kings!

Magandang Araw ng Linggo! Magkwentuhan lang tayo nang kaunti.

Napaisip ako sa usaping ito: “Doon ka bumawi sa taong tumulong sa’yo noong walang-wala ka, hindi sa taong bumait lang sa’yo noong nakabangon ka na.” May bigat ang mga salitang ito dahil tinuturo nito kung paano natin dapat bigyang-halaga ang mga taong tumulong sa atin sa panahon ng kagipitan. Isa rin itong paalala na ang pagpapahalaga ay dapat ibinabalik hindi lamang sa tamang pagkakataon, kundi sa tamang mga tao.

Pero para sa akin, higit pa rito ang tunay na diwa ng pagtulong. Ang pagtulong ay hindi dapat nakabase sa kung ano ang kaya natin o kung sino ang tumulong sa atin noon. Ang mahalaga ay marunong tayong magbigay at tumulong sa tamang paraan, lalo na sa mga higit na nangangailangan.
Hindi mahalaga kung nasa itaas o ibaba tayo sa buhay. Ang pagtulong ay dapat bukas-palad at bukal sa loob. Ang mas mahalaga ay hindi tayo nananamantala o nang-aabuso sa iba, at hindi natin kailanman iniisip ang kapalit ng kabutihang ating ginagawa.

Kapag iniugnay ito sa kwento ng Tatlong Hari, makikita natin ang halaga ng malasakit at pagbibigay na may kahulugan. Sinundan nila ang liwanag ng bituin at nagdala ng mga regalong hindi lamang mahalaga sa panlabas na anyo kundi puno rin ng paggalang at pagkilala sa Sanggol na Hesus. Anong matutunan dito? Ang tunay na pagtulong ay hindi nasusukat sa laki o dami ng naibibigay kundi sa intensyong magbigay ng liwanag sa buhay ng iba. Gaya ng Tatlong Hari, maaari tayong maging daan ng pag-asa, lalo na sa panahong mahirap para sa iba.

Ngayong Pista ng Tatlong Hari, isipin natin ang mga simpleng paraan kung paano tayo makakapagbigay ng tulong—isang salita, isang aksyon, o kahit simpleng pakikiramay. Ang kabutihan, gaano man kaliit, ay may kakayahang magbigay-inspirasyon sa iba.

Happy Three Kings! Sana’y patuloy tayong magbigay ng liwanag sa mundo ng bawat isa. Pag-kakaisa at Pag-ibig para sa lahat!