Wednesday, November 02, 2011

R.I.P Tito Restie/Amang Restie

Dalawangput Limang Taon na din ang nakakalipas nang tanungin ko ang aking sarili ng mga sumusunod:
Sino ang Paborito kong Tito?
Okay lang ba na may Pabrito akong Tito?

Matagal tagal din at binata na ako ng muli kong maitanong sa aking sarili ito at nasagot. Si Tito Restie at OO pwedeng pwede

Mabuting Tito
Kaninang Umaga laking gulat ko nang makatangap ako ng SMS sa aking Ina; "Patay na Tito Restie mo atake sa puso...." Bigla akong napaupo at tila namatay sa sobrang panghihina. Todo-todong panlalamig sa aking katawan ang aking naramdaman, nagmistulang sanggol na tila walang salitang lumalabas sa aking labi,namamanhid ang aking mga kamay, nanginginig at mga luha at tila bagang ikinukubli ko ito at pinipigilan ang pagpatak. Bigla akong nawala sa wisyo..wala na si Tito Restie...

Bigla mo pala talaga maalala ang mga araw kasama sya... nagbalik tanaw sa akin ang mga eksena ng aking kabataan. Kay Tito Resti ako natuto at nasilayan ang payak na buhay at ang buhay MANGINGISDA. Magsagwan at mamangka ng walang katig, Ang mangisda at manghuli ng hipon sa ilog, ang manghuli o manukot ng alimango gamit ang kapirasong bakal na panukot at itak,ang magtuba sa sasahan, ang mang-uwit ng mga tilapya at bangus sa palaisdaan, ang magdala sa draga, ang mapuyat at magbanat ng buto para lang maitaguyod nya ang kanyang pamilya at masustentuhan ang aming bakasyon tuwing panahon ng tag-init o summer-break. Ganun sya kasipag...ganun nya ako tinuturuan ng mga bagay bagay at pagdiskarte sa buhay.Ang paano mabuhay na merong kakapirangot na mga kagamitan na sasapat na dapat upang mabuhay, kadalasan nabibilang lamang na pwedeng pagkuhanan ng ikalalaman ng tyan at pagtustos sa pag-aaral. Hindi ko din maikakaila ang mga panahon na kailangan naming manghuli ng mga palaka at dagang bukid para lang may ulamin kami pagsapit ng pagdulog sa aming hapag-kainan. Siya din ang nagturo sa aking magmaneho noon gamit ang kanyang L3 na bigay ng aming lolo. Ganun sya naging abala sa akin...sa amin sa pagtuturo noong ako'y bata pa.Nandyan din na lagi nya akong pinagtatangol sa aking mga tiyuhin at ama o mga nakakatanda sa panahong may mga huntahan sa aming mga pamilya. Walang bahid at patuloy syang sumusuporta para sa aming paglago.

Naniniwala ako na dala-dala ko ang mga ilan dito upang magturo din sa mga sumusunod na kabataan sa akin. Isang Mabuting Tihuyin ang Tito Restie na tila aking pangalawang ama at ramdam ko iyon noong panahong sya ay buhay pa. Sya'y Isang HUWARAN.

Kamakailan lang, isang taon pa lang ang nakakalipas nang namatay din ang nag-iisang anak nina Tito Restie at Tita Meng na si Ato. Tandang tanda ko pa ang mga pagpapagal at pagpapakahirap ni Tito Restie nun... walang tulugan at laging puyat wag lang bitawan ang mga pangako sa anak na magiging mabuti syang Ama at kasama nya ito kahit sa huling hantungan. Kahit Magparoot Parito ay hindi mo kakikitaan ng pagsuko. Kahit nababanaag mo na ang pagbagsak ng mga mata sa pagpupuyat at pag-iisip walang ininda at inaksayang panahon makita lamang ang kanyang anak at mabigyan ng tamang katahimikan at maayos na burol. Kahit noong bata pa si Ato nakikita ko ang hindi pagsuko ni Tito Restie na pagsabihan at pangaralan si Ato sa kanyang mga kamalian, pagtahak sa tama ng landas. Patuloy ang kanyang pagbabanat din ng buto maitaguyod lang ang anak nyakasama na ng pagtataguyod ng kanyang mga Apo. Isang Mabuting Ama ang aking si Tito Restie.

Labis akong nagluluksa sa pagkawala ni Tito Restie, nabawasan kami ng isang Mabuti at huwarang kasapi ng Pamilya. Hinding hindi ko makakalimutan ang mga aral na ibinigay at ipinama nya sa akin. Mananatiling Buhay ito... Pangako Tito ko!

No comments: