Thursday, April 09, 2009

Paglaki ko gusto kong Maging Manager, Pero hindi yong Follow-Up Manager...

.
Naisip ko lang noong bata pa ako. Madalas ay ako ang pinapakolekta ng Mama ko sa kanyang mga pautang sa tindahan. May kodigo pa akong palara ng sigarilyo at gumagamit ng bolpen na madalas ay sinusunog ko pa ang tuktok or parteng panulat nito upang lumabas ang tinta. Palagay ko ay maayos ko namang nagagawa kahit papaano yung inaatas sa akin ng aking mahal na ina.

Ganito siste ko noon, umagang umaga palang tatakbo na ako sa kalye at magbabahay bahay. Nakatsinelas at may dalang plastic ng yelo na nakaipit o nakasukbit sa aking short bilang lagayan baryang nakolekta. Uuwi ako non na may maayos na koleksyon at balita o report kung bakit ang ilang kapitbahay namin ay hindi nakapagbayad. Naaalala ko na ginagawa ko itong aktibidad na ito tuwing sabado at linggo.

May mga pagkakataon na nababawasan ang aking trabaho na ito sa tuwing may mga kapitbahay kami na kusang pumupunta sa tindahan namin at nagbabayad ng kanilang mga pinangakong utang dala ang kanilang kopyang palara at papapirmahan sa mama ko o minsan sa akin na nangangahulugang bayad na sila.

Naalala ko lang itong kwento na ito. Kasi di pa uso ang computer noon. Marahil masasabi ko na mataas pa ang pagkukusa ng mga tao noon at hindi sila “complacent” kung baga may sariling palo. May mga mangilan-ngilan din naman na talagang pasaway at talagang kailangan pang puntahan sa kanilang mga bahay o i-follow-up para lang tumupad sa kanilang mga pangako.... na minsan kung hindi makakatupad..nakakatawang NAGTATAGO TALAGA sila sa kanilang pagkakautang o napakaraming samut saring ALIBI na tila baga naghihiraman sila ng idadahilan linggo linggo.

Dangan kasi ngayon sa modernong panahon, marahil ay hindi nabago lalo pa sa mga usaping trabaho. Namana marahil ng ilang “professional” ang mga ganitong gawi. Magtago o Mag-Alibi. Pero meron din namang nabibilang na nagkukusa at alam ang kanilang mga obligasyon. May ilan naman na tahasang pilit na pinaninindigan kahit i-follow-up o hindi ang patuloy na pagiging pasaway at pag-suway.

Sa mundo kasi ng TRABAHO. Work ikanga sa ingles. Malaki ang pagkakaiba nito sa JOB o sa tagalog, namamasukan.

Sa akin kasing pagkakaunawa, may saysay ang salitang trabaho kapag ito ay tapos at may impact sa mga taong “naratnan” nitong trabahong ginawa mo. Pero ang pagpasok o Job ay pumapasok ka lang dahil may suweldo ka at kailangan mong pakainin ang mga anak mo o di kaya'y magbayad ng upa etcetera, kahit di mo tapos ang iniatang sa iyo, walang pag-aanalisa, de kahon, at kahit walang dating sa iyo ang mga ipinagagawa o proyektong kinasasangkutan mo... ayun kaya ka burnt out o talagang wala ka lang pakialam.

Ano bang mga obserbasyon o rekomendasyon ko sa pag-resolba nito?

Marahil ang “kapaki-pakinabang na Checklist” checklist na nagagamit hindi yung checklist for the sake na may listahan ngunit walang pagmonitor ng mga ito at pagbibigay ng mga resulta.

ang maging “analytical at critical thinker at tunay na problem solver” .
  • minsan kasi kahit may napakaganda at kumpletong checklist ka na, pero hilaw talaga sa diskarte ang siste o di naman alam kung pano gamitin ang checklist, e sablay pa rin. Mauuwi sa PANGAKONG NAPAKO o walang solusyon o di kaya ay nag “LO-LOOP” o walang katapusang proyekto. Na puwede ring mag-hanggan sa mawalan na ng gana at wala na ring relevance ang trabahong ipinagagawa sa iyo, DAHIL maaaring may gumawa na ng trabaho mo o hindi na kailangan pa ang dapat mo sanang ginawa/trabaho... ergo puwedeng mawalan ka na ng trabaho.

    Kaya dapat, maging ganado sa pag-gawa. Sabi nga sa mundo ng mga programmer “hanggang may momentum” laban at wag hahayaang mawala ito harangan man ng sibat. Kasi ito yung pinaka mahirap ibalik pag nawala. Ending..ikaw ang talo. Pero hindi lang sa programming ito, kahit sa anong trabaho, kailangan ng sigla at buhay. Yun bang passionate ka at kahit simpleng gawain lagyan mo ng creativity at innovation... tawag nga namin dito sa 8layer e LIBOG. Pag hindi malibog ang gawa mo e malamang supot.


    Ang sa akin, ang realisasyon ko patungkol sa usaping follow-up.

  • Korni ang company na may follow-up manager. Hanggang ngayon sakit nga ito ng mga nag-oopisina sa gobyerno o mala-gobyernong kumpanya sa Pinas e. Hindi lilipat ang papel mo pag hindi ikaw mismo ang naglakad. Sumasalamin kasi ito sa angulo na may problemang disiplina at kawalan ng pakialam o malasakit ang mga tao. Basta sila sumuweldo, tapos.

  • Wala pa naman akong nakikitang plantilyang ganito, pero kung may manager kang ganito lang ang ginagawa kundi mag-follow up (na bukod sa makain sa ORAS na dapat sana ay gumagawa na ng ibang kapaki-pakinabang na bagay para sa pagpapa-unlad) bumabagal na rin sya at maaring mahihinang klase ang mga taong gumagalaw lang at nag-dedeliver pag fino-follow up.

  • Ayoko nga ng ganitong trabaho, ang ganda sana ng tunog e... Mr Mara, i am hiring you as a Manager, The Follow-Up Manager.... ulck,kadiri, ang sagwa!!! tsaka parang nakakatawa... isang kumpanya o bansa tayo na para bagang de susi... uusad lang o tatapos pag may tumapik at magsasabing, “ASAN NA?”

    Basta ako ang masasabi ko lang at may kasabihan kaming mga MARA na, “Ang batang nangongolekta ng pautang, Paglaki, ayaw maging follow-up manager.” YUN!
  • No comments: